PROYOUTH2

Gospel Reflections for Young People and the Young at Heart

Reflection: 1st Sunday of Advent Year C - November 29, 2009: BAGONG TAON

“Happy New Year sa inyong lahat!” Pambungad na bati ko sa misa. Napansin kong nakatulala ang mga tao at mukhang lito kung ano ang isasagot… “Merry Christmas” ba o “Happy New Year?” Totoo nga naman papasok pa lang ang buwan ng Disyembre. Inilalatag pa lang ang mga bibingka at puto bungbong sa labas ng simbahan. Isinasabit pa lang ang mga parol sa bintana. Nagpraparaktis pa lang mag-carolling ang mga bata… happy new year na? Oo… NEW YEAR NA! Ang Unang Linggo ng Adbiyento ang BAGONG TAON NG SIMBAHAN! Ang “Adbiyento”, na ang ibig sabihin ay “pagdating” ay nilalaan nating panahon para “paghandaan” ang paggunita sa pagsilang ng ating Panginoong Jesus. Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay “panlabas”: paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party… Siguro kailangan ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ngunit hindi lang ito ang paghahanda para sa isang masaya at makahulugang Pasko. Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin. Si San Pablo ay nagpapaalala sa atin: “Kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus.” Sa Ebanghelyo naman ay pinapaalalahanan tayo ni Hesus: Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Ang mga ito’y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa loo b at wala sa labas: Tanggalin ang masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso! Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Hindi tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong. Dapat lang… sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa “katahimikan”. Masyado ng maingay ang mundo. Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo nating pagninilayan ang paghahanda sa pagsilang ni Jesus. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating tahanan o simbahan bagkus magsilbing paalala na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. Halina Hesus! Manatili ka sa aming piling!

Reflection: Solemnity of Christ the King Year B - November 22, 2009: THE RETURN OF THE KING

Masyado ng sikat ang ating pambansang kamao… Manny Pacquiao! Sa katunayan sa kanyang muling pagbalik bilang kampeon ay pinarangalan pa siyang “Datu” in the Order of Sikatuna ng ating Pangulo. Ito’y isang parangal na iginagawad sa mga taong nagbigay ng kakaibang karangalan sa ating bansa. Sa kanyang muling pagbabalik ay akmang-akma ang isang poster na aking nakita sa internet: Manny Pacquaio as “Lord of the Rings: The Return of the King!” (tingnan ang imahe). Totoo nga naman siya ang Lord of the Rings (boxing ring nga lang!) at sa kanyang pagbabalik ay siya ang itinanghal na hari!(ng boxing) Ang hari ay hinahangaan, iginagalang, sinusunod, pinagpipitagan ng kanyang mga nasasakupan. Sa Ebanghelyo, nang si Hesus ay kinausap ni Pilato, ang itinanong sa kanya ay: “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” Hindi nagpatumpik-tumpik si Hesus at nilinaw pa niya ang kanyang uri ng pagiging hari: “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” Malinaw na hindi ang makamundong uri ang paghahari ni Hesus. Kung susuriin pa nga nating mabuti ay masasabi nating ang paghahari ni Hesus ay paghahari ng isang pinunong-lingkod O “servant-leader” sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Sa mundo ang hari ay pinaglilingkuran. Si Hesus bilang hari ay naglilingkod! Sa mundo ang hari ay iginagalang at pinagpipitagan. Si Hesus bilang hari ay nilapastangan at pinahirapan. Sa mundo ang hari ay sinusunod. Si Hesus bilang hari ay winalang bahala ng kanyang mga kababayan. Kapag pinararangalan natin si Hesus bilang Kristong Hari ay sinasabi nating tayo rin bilang kanyang nasasakupan ay dapat maging “servant-leader na kung saan ang kadikalaan ay wala sa bigat ng ating posisyon o pag-aari ngunit nasa kadakilaan ng isang tunay na paglilingkod. Huwag tayong masiraan ng loob kung ang ating pagpapakabuti ay hindi umaani ng papuri o “recognition”. Huwang ring sasama ang ating loob kung palaging tayo na lamang ang naglilingkod samantalang ang karamihan ay nagpapakarasap sa kanilang buhay! Huwag tayong magagalit kung ang ating mga nasasakupan ay ayaw sumunod sa atin. Sapat lang na ipagpatuloy natin ang pagiging mabuting Kristiyano sa pagbibigay ng mabuting halimbawa at paggawa ng kabutihan sa lahat. At sa pagbabalik ng tunay na Hari sa katapusan ng sanlibutan, (the return of the King) ay mabibigyan tayo ng gantimpala dahil sa ating katapatan sa Haring ating pinaglilingkuran. Mabuhay si Kristong Hari!

Reflection: 32nd Sunday in Ordinary Time Year B - November 8, 2009: ANG DIWA NG TUNAY NA PAGBIBIGAY

Minsan daw ay nag-usap-usap ang mga pera sa bangko sentral. Pinagkukuwentuhan nila ang mga lugar na kanilang narating. Sabi ng isang libo: “Ako, parating nasa malls, nasa mamahaling mga botique at tindahan sa Greenbelt 5!” Sabi ng limang daan at isang daan: “Kami, parating nasa supermarket at department stores. Papalit-palit kami sa kamay ng mga tao! Napansin nilang malungkot ang mga baryang piso at limang piso sa isang tabi. “Ba’t kayo malungkot? Saan naman kayo nakakarating?” Sagot nila: “Yun nga eh! nakakaboring ang buhay namin. Lagi na lang kaming nasa simbahan… simbahan… simbahaaan!” Bakit nga ba ganoon? Ang daling maglabas ng pera kapag pinagagastusan ay ang sarili. Pero kapag para sa iba na ang pinaggagastusan ay parang ang hirap-hirap dumukot sa bulsa ng kahit isang kusing! Itong nagdaang kalamidad ay may sinasabi rin tungkol sa ating pag-uugali sa pagbibigay. Maraming tao ang nasalanta ng mga bagyong nagdaan at marami rin ang lumabas sa kanilang sarili upang tumulong. May mga taong lubos at bukal sa kalooban ang pagtulong sa kapwa. May mga iba rin naman na mababaw ang motibo sa pagtulong. Ano nga ba diwa ng tunay na pagbibigay? May kasagutan ang Ebanghelyo ngayong Linggo. Pinuri ni Hesus ang babaeng balo sa pagbibigay niya ng abuloy. Hindi sapagkat malaki ang halaga ng kanyang ibinigay, ngunit dahil sa ibinigay niya ang lahat! “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.” Ang tunay na pagbibigay ay may kasamang sakripisyo, may paghihirap kang dapat na mararamdaman kapag tunay kang nagbigay! Nakakatawang isipin na parang hirap na hirap pakawalan ang isang “LV bag”, bracelet, sapatos… para sa mga kababayan nating naghihirap. Gaano ba kahalaga ang mga ito sa laki ng kanilang kinikita? Mumo lang ‘yon ng kanilang kayamanan! Kung nais nating matutunan ang tunay na pagbibigay ay sapat lamang na tumingin tayo sa krus. Doon ay makikita natin ang tunay na diwa ng pagbibigay. Pagbibigay na walang hinihintay na kapalit. Pagbibigay na katumbas ay buhay. Pagbibigay na tanda ng pagmamahal. Kailan ka huling nagbigay na nasaktan ka dahil may ibinahagi ka na nagmumula sa iyong sarili? Magandang pag-isipan natin ito. Baka mababaw pa rin ang ating motibo sa pagtulong. Baka kailangan pa ring salain ang ating motibasyon at intensiyon kapag tayo’y nagbibigay. Ang sabi nga ni Mother Teresa ng Calcutta: “We love and love until it hurts… until we realize and feel that there is no more hurt but love…”

Reflection: All Saints Day - November 1, 2009: ANG MGA NASA ITAAS

Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s’ya ng lugar na maari n’yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay “The doctor is up!” sa halip na “the doctor is in.” Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya’t sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak… ngunit may isang problema ng ililibing na s’ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s’ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: “The doctor is up!” Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa “itaas” na marahil ay hindi natin kilala. Hindi natin matatagpuan sa “official list” ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Marahil, isa rin ito sa kadahilanan kung bakit itinatapat natin ang pag-alala sa ating mga yumao sa November 1 na Kapistahan ng mga Banal. Nais natin na ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw ay nasa piling na ng ating Panginoon at nagtatamasa na ng Kanyang gantimpala! Kayat ‘wag lang nating ipagdasal sila bagkus magdasal tayo sa kanila! Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating “bokasyon” o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang… ang magpakabanal! Ngayon sila ang “mapapalad”… bukas tayo naman! Ngunit sana ay wag na nating hintayin pa ang matawag na mapalad “bukas” kung kaya naman nating maging mapalad ngayon. Kaya nga ang Ebanghelyo ngayon ay patungkol sa ating nabubuhay pa: “Mapalad ang mga aba… mapalad ang mga nahahapis… ang mga mapagkumbaba… sapagkat sasakanila ang paghahari ng Diyos. Maging mapalad ka ngayon at makikita mo na balang araw ay sasabitan ka rin ng karatulang nagsasabing ” Fr. Dudz (ilagay mo rin ang pangalan mo) is up!”

Reflection: 30th Sunday in Ordinary Time Year B - October 25. 2009: BULAG-BULAGAN

Mapalad daw ang mga taong duling.. kasi DOBLE ang kanilang KITA! Pinakamalas naman daw ang mga BULAG… kasi WALA silang KITA! Pero pinakasuwerte daw ang mga sexy stars… LAHAT KITA! hehe… Ipinanganak na malas nga ba ang mga bulag? Ang sabi ni Ka Freddie sa kanyang kanta: “Madillim ang ‘yong paligid hating-gabing walang hanggan. Anyo at kulay ng mundo sa ‘yo’y pinagkaitan. Wag mabahala kaibigan isinilang ka mang ganyan. Isang bulag sa kamunduhan… ligtas ka sa kasalanan.” Siguro nga ay malas ang mga bulag. Ngunit mayroon pang mas malas sa kanila! Ang mga taong NAGBUBULAG-BULAGAN! Mga taong walang malay sa mga pangyayari sa kanilang paligid o talagang ayaw lang malaman ang mahirap na katotohanan ng buhay. May mga taong hindi alam kung saan sila patungo. Nabubuhay na walang kabuluhan. Walang saysay na sinasayang ang mga pagkakataong ipinagkaloob ng Diyos sa kanila! Kaya nga’t tayo rin ay mga “Bartimeo” kung atin lamang susuriin ang ating sarili. May kanya-kanya tayong pagkabulag na dapat nating harapin. Marahil ay pagkabulag sa masasamang pag-uugali na ayaw nating baguhin. Pagkabulag sa bisyo. Pagkabulag sa ambisyon na masama na ang kinahihinatnan sa labis nating pagnanasang maabot ito. Pagkabulag sa pagtulong sa mga mahihirap. Ngunit kung “Bartimeo” man tayong naturingan ay dapat magawa rin natin ang nagawa niya. Naglakas loob siyang lumapit kay Hesus. Hindi naging hadlang ang mga tao sa kanyang paligid. Hindi naging hadlang ang kanyang kapansanan. Pansinin ninyo ang sigaw ni Bartimeo: “Hesus, Anak ni David! Maawa ka sa akin!” Isa itong pagpapahayag ng pananampalataya. Ang Anak ni David ang tawag nila sa pangakong Mesias! Iwinaksi ni Bartimeo ang kanyang balabal, ang kahuli-hulihang gamit ng isang pulubi na panlaban niya sa lamig ng gabi. Alam niyang pagagalingin siya ni Hesus! At ito nga ang nangyari. Nakita ni Hesus ang kanyang malaking pananampalataya at pinanumbalik ang kanyang paningin. Tanging pananampalataya ang makapagpapagaling sa ating pagkabulag. Sana maging atin din ang mga salitang binitiwan ni Bartimeo: “Guro, gusto kong makakita!” Gusto kong magkaroon ng katuturan ang buhay ko. Gusto kong makita kung saan ako papunta. Gusto kong makita kung ano ang ibig sabihin ng mga hindi magagandang pangyayari sa aking buhay… tanging si Hesus ang makapagbibigay sa atin ng liwanag! Bulag man tayong naturingan ay mapalad pa rin tayo sapagkat may Diyos na gumagabay sa atin at handang hanguin tayo sa kadiliman ng buhay! Sapat lang na handa tayong lumapit sa Kanya…

Reflection: 29th Sunday in Ordinary Time Year B - World Mission Sunday - October 18, 2009: BUKAS SA PAGTANGGAP… BUKAS SA PAGBIBIGAY!

Ngayon ay World Mission Sunday at muli nating pinagdarasal ang ating mga misyonero at ang gawain ng misyon. Dalawa ang itinanghal na Patron ng misyon. Una ay si San Francisco Xavier, isang paring Heswita na iginugol ang malaking bahagi ng kanyang buhay sa paglalakbay upang maipalaganap ang Mabuting Balita ni Jesukristo. Dahil sa kanyang kasipagan at dedikasyon bilang isang misyonero ay itinalaga siya ng Simbahan bilang modelo sa lahat ng nagnanais na tularan siya bilang tagapaghatid ng pananampalataya. Ang ikalawa ay si Santa Teresita ng Batang Jesus. Ang malaking pagkakaiba niya kay San Francisco ay ni minsan ay hindi siya lumabas ng kanilang monasteryo. Isa siyang mongha ng Carmelite Orders na mas pinili ang mamuhay sa loob ng kumbento. Bakit siya itinanghal na patron ng misyon gayong hindi man siya nakapaglakbay ng malayo? Iyon ay sapagkat itinalaga ni Santa Teresita ang kanyang buhay sa pag-aalay ng dasal at sakripisyo para sa misyon at sa mga misyonero. Ibig sabihin ay hindi pala kinakailangang makapaglakbay sa ibang bansa para maging misyonero! Sa pagtatanghal kay Sta. Teresita bilang pangalawang Patron ng misyon ay sinasabi sa atin ng Simbahan na ang bawat Kristiyano ay misyonero at may magagawa para sa misyon. Sa Ebanghelyo ngayon ay pinapaalalahan muli tayo na ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod. Bilang misyonero, ito marahil ang ating magagawa, ang maglingkod sa ating kapwa. Nitong nagdaang mga araw ay maraming tao ang nasalanta ng bagyo. May nagawa na ba akong paglilingkod para sa kanila? Naglaan na ba ako ng panalangin, oras at kakayahan para sa mga nangangailangan? Hindi dapat maging hadlang ang kahirapan sa pagtulong sa iba. Kung bukas ang ating palad sa pagtanggap ng mga biyaya mula sa Panginoon, dapat ay bukas din ito sa pagbibigay!

Reflection: 28th Sunday in Ordinary Time Year B - October 11, 2009

“Paano ba ako magiging tunay na masaya?” Siguro isa rin ito sa mga tanong mo… Tanong din ito ng marami. Magbabad ka sa National Bookstore at makikita mong napakaraming librong naisulat tungkol dito. Tanong din ito ng binatang mayaman sa ating Ebanghelyo ngayong Linggong ito. “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Ang pakahulugan ng “buhay na walang hanggan” kung isasalin sa ating modernong pananalita ay “kaligayahan”. Mabuting tao ang lalaki. Sa katunayan sinabi sa Ebanghelyo na siya ay masunurin sa batas at walang inaargabyadong tao. Nalugod si Hesus sa kanya. Tiningnan siya ng magiliw at may paghanga. Ngunit may nakita pang kulang si Jesus sa kanya. “Gusto mong lumigaya, ipagbili mo lahat ng ari-arian mo, ibigay mo sa mahihirap at sumunod ka sa akin…” Nagulat ang lalaki sa kundisyon ni Jesus sapagkat sya’y mayaman. Pero hindi nagbago ng sagot ni Jesus… para sa Kanya ito ay “deal or no deal! Malungkot ang katapusang ng pagtatagpong iyon. Tumalikod na malungkot ang binata at wala ng narinig pa tungkol sa kanya. Saan ba nakasalalay ang ating kaligayahan? Sa kayamanan ba? Sa pagiging masunurin ba sa batas ng Diyos? Sa pagiging “goody-goody Christian” ba? Ang sagot ni Hesus: pagtalikod sa lahat ng mga “attachments” natin sa buhay at pagsunod sa Kanya… deal or no deal! Hindi Niya sinasabing kawawa ang mayayaman dahil marami silang hindi kayang iwanan sapagkat kahit ang mahirap ay maari ring matali sa mga materyal na bagay sa simpleng pagnanasa sa mga ito. Ang nais niyang sabihin ay alam dapat natin ang ating pinahahalagahan sa buhay. Ang kayamanan o ari-arian ay hindi dapat inuuna sa ating pagmamahal sa Diyos at kapwa. Ang Diyos pa rin dapat ang una sa ating buhay. Ang pagtupad sa Kanyang kalooban ang dapat nating pahalagahan sa lahat… deal or no deal!

27th Sunday in Ordinary Time Year B - October 4, 2009: KATIGASAN NG ULO

Maraming nangyari nitong nakaraang Linggo na marahil na dapat nating balikan at pagnilayan. May kasabihang “experience is the best teacher” pero ako ay hindi sang-ayon dito. Siguro mas tamang sabihin na “reflected experience is the best teacher!” Sapagkat marami sa atin ang “matigas ang ulo” na patuloy pa rin sa masasamang gawa kahit batid nating hindi na ito makabubuti sa atin o sa ating kapwa. Batid natin ang pinsalang dulot ng bagyong Ondoy. Maraming kabuhayan ang nasalanta. Maraming buhay ang nasawi. At hanggang ngayon, marami ang naghihirap at naghihikahos. Totoong maraming tubig ulan itong ibinuhos. Ngunit kung titingnan mo ang mga daan pagkatapos humupa ng tubig baha ay makikita mo ang mga nagkalat na basura sa kalsada at nakabara sa mga estero. Matigas kasi ang ulo ng marami sa atin. Ginagawa nating basurahan ang lansangan. Wala tayong pakundangan sa paglapastangan sa kapaligiran. Sa kahuli-hulihan tayo rin ang umaani ng ating itinanim! Hindi na tayo natuto! Katigasan ng ulo… Ito rin ang sinabing dahilan ni Hesus sa mga Pariseo kung bakit pinayagan ni Moises ang batas ng diborsiyo. Upang bigyang diin ang di mapaghihiwalay na pagsasama ng mag-asawa ay sinabi n’yang: “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Ngunit bakit ngayon ay marami pa rin ang nagsusulong ng diborsiyo? Bakit marami pa ring mag-asawa na pagkatapos ikasal ay paghihiwalay agad ang kasagutan kapag hindi na sila masaya sa kanilang pagsasamahan? Ang sagot: katigasan ng ulo! Kaya siguro ginawang halimbawa ni Hesus ang isang maliit na bata upang ipabatid sa ating mga tao na nasa kapayakan ng pag-iisip at hindi katigasan nakasalalay ang ating pagiging mabubuting anak ng Diyos. Ang bata ay natuturuan pa. Ang matanda ay mahirap na! Parang isang baluktot na puno na puwede pang ituwid habang bata pa ito. Sana ay maging mulat tayo sa maraming pangyayari sa ating buhay at sa mga aral nito. Huwag sanang maging matigas ang ating ulo. Matuto tayo sa ating pagkakamali.

Reflection: 26th Sunday in Ordinary Time Year B - September 27, 2009: KATOLIKO - katok na liko pa!

Isang mayamang matanda ang lumapit sa pari at hiniling na Misahan ang kanyang namatay na alagang aso. Tumanggi ang pari at sinabing hindi maaaring alayan ng misa ang isang hayop. “Ganoon po ba Father, sayang… Sampung libo pa naman ang ibabayad ko. Di bale, sa simbahan ng aglipay ko na lang siya pamimisahan.” Biglang napasigaw ang pari: “Ginang… hindi puwede yan!!! Isa kang Katoliko kaya’t Katoliko ang aso mo!” hehe… Ano nga ba ang ibig sabihin pag sinabing Katoliko ka? Sabi raw nila… tayong mga Katoliko ay may “katok” na “liko” pa! Papayag ka ba? Ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang “Katoliko” na nakakabit sa ating pangalang Kristiyano? Makikita ba ito sa Bibiliya? Kung si Bro. Eli ang tatanungin, ang sagot ay hindi! Hindi naman kasi tagalog ang salitang Katoliko. Ito ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay “universal” o para sa lahat! Sapagkat malakas ang ating paninindigan na ang kaligtasan ay ibinibigay ni Kristo para sa lahat… Kristiyano ka man o hindi.ang biyaya ng Diyos ay malaya niyang ibinibigay kahit kanino. Ang sabi ni Moises ng may nagprotestang mayroong nangangaral na hindi naman nila kasama sa grupo: “Mas gusto ko ngang maging propeta ang lahat ng Israelita at mapuspos sila ng espiritu ng Panginoon.” Sa Ebanghelyo ay ganito rin ang winika ni Hesus ng ibalita ni Juan na may gumagamit ng kanyang pangalan sa pagpapalayas ng demonyo: Ang langit ay hindi lamang para sa ilang grupo katulad ng pag-aangking ginagawa ng ibang sekta na sila lamang ang maliligtas. Sa unang pagbasa at Ebanghelyo makikita natin ang tema na “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin.” Hindi ba’t napakabuti ng Diyos? Napakalawak ng Kanyang pagmamahal. Ang kanyang kaligtasang handog ay walang pinipili! Para sa lahat! “KATOLIKO!” Kaya nga’t kasalanan na natin kung tatanggihan natin ang Kanyang alok. Sana ganito rin tayo sa ating pagpapakita ng pagmamahal sa iba… walang pinipili! Ang magmahal ay para sa lahat! Hindi lang para sa mga kaibig-ibig pero sa mga kapos sa pag-ibig! Hindi lang para sa mga kaibigan pero para rin sa mga kaaway. Nawa maging bukas ang ating isipan at puso sa pagtanggap sa iba at sa pagpapakita ng ating pagmamahal sa kanila. May pinipili ba ang pag-ibig mo? Kung gayon isang kang certified na “katok na liko pa!” Magmahal ka ng walang kinikilingan at hinihintay na kapalit at magiging karapat-dapat ka sa pangalan mo… KATOLIKO!

Reflection: 25th Sunday in Ordinary Time Year B - September 20, 2009: KAYABANGAN!

Isang turistang hapon ang umarkila ng taxi at nagpalibot sa Metro Manila. Dinala siya ng driver sa gawing Shaw Boulevard at idinaan sa Shangrila. “This building is big! How long did you build this buidling?” “More or less one year!” Sabi ng driver. “One year? Too slow! In Japan, 6 months… very, very fast!” Payabang na sagot ng hapon.” Dumaan naman sila sa Mega Mall at sabat uli ng hapon: : “Ah… this building is very big! How long did you take to build it?” “5 months!” sabi ng tsuper. “5 months??? very slow! In Japan, only 3 months… very, very fast!” Payabang na sabi ng hapon. Medyo napikon na ang driver kaya idiniretso niya sa Pasay… sa Mall of Asia. “Wow! This building is very, very big! How long did you build it?” Payabang na sagot ng driver: “Only 2 months!” Sigaw ang hapon: “2 months??? Very slow… in Japan only 1 month… very, very fast!” Napahiya na naman ang Pilipino. Natapos din ang paglilibot at ng bayaran na ay sinabi ng driver. “Ok Mr. Japanese, pay me 10 thousand pesos!” Sagot ang hapon: “10 thousand? Very expensive!” Sagot ang driver: “Look sir… my taxi meter… made in Japan… very, very fast!” hehehe… nakaganti rin! Nakakaasar ang mga taong mayayabang! Ang sarap nilang yakapin… yakapin ng mahigpit na mahigpit hanggang sa mamatay! hehe. Marahil, isang katangian na dapat nating matutunan bilang mga Kristiyano ay ang “kababaang-loob.” Sa ebanghelyo ay malinaw na sinabi ng Panginoon na  “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.”Ang kababaang-loob ang nagsasabi sa ating ang lahat ng ating kakayahan ay galing sa pagpapala ng Diyos kaya wala tayong maipagmamalaki. Hindi ito ganang atin kaya hindi dapat natin ipagkait sa ating kapwa. Ang kadakilaan sa mata ng mundo ay hindi kailanman tugma sa pagtingin ng isang Kristiyano. Sa mundo, mas sikat ka kung ikaw ay kilala, may kapangyarihan, kayamanan at pera! Hindi kung anung meron tayo ang siyang nagpapadakila sa atin. Ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa kababang-loob… sa paglilingkod. Ang kababang-loob ay hindi katangian ng mahihina bagkus ay taglay ito ng mga taong may katapangan at lakas ng loob. Kaya ko bang maging mapagkumbaba? Kailan ako huling tumulong sa isang kapwang nangangailangan? Baka naman puno ako ng kayabangan, kasakiman at sariling kapakanan lang ang aking iniisip.